Yaring aking puso’y lumulundag sa saya
Sa tuwing mamamasdan ang marikit mong mukha
Hatid mo sa akin ay walang kapantay na tigib at sigla
Tanda nga ito na ako ay nabihag mo nga
Sa tuwing aking madidinig
Ang napakalambing mong tinig
Katawan ko ay nanginginig
Tunay ngang sayo ako’y umiibig
Kakanyahan mo ay lubos na kahanga-hanga
Hungkag lang ang sayo’y hindi matunganga
Likas kang natatangi, ika’y ibang-iba
Ikaw ang siyang tinitibok nitong puso ko sinta
Ngunit ako ngayon ay nalulumbay
Sapagkat pag-ibig mong kay tamis at dalisay
Hindi na nararapat pa sa akin ay ialay
May nauna ng umangkin ng iyong pag-irog na taglay
Masakit tanggapin ngunit kailangang tiisin
Tumalima sa wasto’t hindi ang pansariling hangarin
Sa santinakpan ay isa kang maningning na bituin
Pangarap ka na lamang, hindi maaaring abutin

